Para Kay Mang Boy

20150624_165258

Malamang maraming paghuhugutan ang sulat na ito. We have too much history. Away-bati. Aso’t pusa. Lovehate.

I hated you for not being there. Maraming panahon na ikaw ang kailangan, hindi si Mommy. Noong unang beses na nangligaw ako (at nabasted). Ikaw dapat ang nagturo sa akin ng moves. Noong binubully ako sa school sa laki ng katawan kong ‘to. Dapat tinuruan mo akong makipag-sapakan. Noong bumagsak ako sa ilang subject. Noong naglayas ako. Noong gusto ko nang umayaw. Kulang yung si mommy lang at hindi niya kasalanan ‘yun. You should have been there. Pero wala ka.

I hated you for not being there even if you are. Linggo ka na nga lang nasa bahay, kung anu-ano pa inaatupag mo. TV. Pelikula. Inom. Inom. Inom. At marami pang inom. Nasa bahay ka nga, pero parang wala ka rin. Pumasok ka na lang sana sa trabaho.

I hated you for being there. Micro-managing everything in my life. Ganitong oras dapat gumising. Ganito ang tamang paghuhugas ng plato. Dapat walang watermarks ang kotse pag nililinisan (as if naman ang-ganda ng lumang box-type mo). Sa floodway ka na dumaan kasi hindi trapik (pero dalawang oras tayo ‘dun). Wag masyado mabilis ang takbo. Ang bagal mo naman. Ayusin mo pagtapak sa brake.

Pero ‘t*ng ina.

Anghirap pala maging “mabuting ama”. All those hours you “missed” being “there for us”, I am missing for my own children. Pagkatapos ng buong araw na pagkayod, mauubusan ka ng lakas. Gustuhin mo man makipaglambingan sa mga anak mo, o tulungan sila sa assignment nila, latang-lata ka na sa pagod. Simot. Partida pa sa akin kasi hindi pisikal ang trabaho ko. Ano kaya pakiramdam mo noon kada alas-kwatro pagkatapos mag-survey ng maraming bahay sa Tanay?

Tuwing after-shift o weekend, gusto mo lang mag-relax. Bumawi. Kung sa’yo, pag inom at TV, sa akin, blog at FB. At madalas namin pinag-aawayan ni BJ ang pagkalulong ko sa internet katulad ng pag-aaway niyo ni mommy noon sa pag-inom mo.

Mahal ko naman mga anak ko. Gagawin ko ang lahat para sa kanila. Kaya naman grabe ko sila i-push. Grabe ako maka-demand sa kanila. Parang ikaw lang sa akin noon. Gusto ko kasi maging maayos sila pag tanda nila.

Ngayon ko lang na-realize. Hindi mo ginusto at hindi mo kasalanan ang mga pagkukulang mo. Katulad sa mga pagkukulang ko sa mga anak ko. I’m not justifying what you did. You had your shortcomings. I also have mine. And I understand you more because of them.

Kinailangan kong maging ama para maintindihan ko ang pinagdaanan mo. At pinagdadaanan mo pa rin. Dahil hanggang ngayon hindi ka pa rin tumitigil sa pagiging ama.

I had to be there myself. I had to be the father to realize that you were just doing fatherhood at the best of your ability and knowledge. And, considering the man I grew up to be, it’s not bad at all. Quits na tayo.

Hindi ko na hihintayin na mawala ka bago ko pa sabihin. I’m done with eulogies. You deserve to know and read how much I love you.

Salamat, Mang Boy. Happy Birthday!

P.S. Malapit na pala mag 20K maintenance yung Fortuner. Paki-deposit na lang po. 🙂